Hindi ko alam kung pano ko sisimulan ang post na 'to. Wala naman talaga sana akong balak dahil dakila akong tamad ngayong sem, may nakaalala sa 'kin. Natuwa naman ako.
Madali kasi akong kalimutan. Ebidensya na lang e yung mga workshop. Kung hindi yung panelists, e yung fellows ang makakalimot sa kin. Hindi naman kasi ako star dun, so keri lang kung di nila maalala yung pangalan ko. Pero kahit mukha, walang chance. Kahit parang deja vu na nga lang, wala pa rin. Ayos lang naman, may mga ebidensyang mas malala.
Gaya na lang ng sa mga elementary barkada ko. OO, masama ang loob ko sa kanila. Third year high school ko na lang napagtanto na hindi na talaga nila ako maalala. Kahit tatlong taon ang ginugol ko sa pag ubos ng allowance para mga long distance, sulatan at paminsan minsang pagdalaw ko sa kanila sa Malabon. Sa kabila nun, nang mauso ang cellphone at nagkamatinong allowance na ko nang magcollege, sinikap ko silang kontakin. Nakuha ko mga numbers nila. Text, email, o sulat-- bihirang may magreply at isa hanggang dalawang tao lang yun. Second year college, kasama na talaga ko sa memory gap nila. Tinanggap ko na rin naman dahil naisip ko na ganun lang talaga ang buhay.
Tapos ngayon may natanggap akong email galing sa isa sa kanila.
Unang tanong: musta ka na? -- eto, kilala nyo pa pala. masaya pa rin naman kahit ilang taon nyo kong binalewala pag nagrereunion kayo. alam ko kayo rin. sobrang saya nyo nga kinalimutan nyo ko.
Ikalawang tanong: musta studies? -- ok na ok. masaya ako sa school at course ko. masaya ako sa grade ko at ginagawa sa mga subject namin.
at ang Ikatlong tanong: San k nag OJT ngayn? -- [matagal na katahimikan, napamura ng konti pero sa isip lang] oo nga pala extended ako. hindi ako gagraduate ngayong taon. goodluck sa OJT at thesis nyo. :)
malamang pag pinadala ko to, isang malaking bakit ang irereply sa kin. maiintindihan kaya nila kung bakit ako extended? kahit ako hindi ko na rin maintindihan sa paulit-ulit na kwento. sabi ng kaklase ko dapat sinabi ko raw kay jun cruz reyes na sya ang dahilan, mattouch daw yun. anak ng tokwa, balikan natin ang thesis statement: forgetable akong tao. kahit pinakilala na ko sa kanya ng isa kong prof o nakasama ko sya ng ilang araw sa ateneo, malamang hindi na ako kilala nun. ayokong malaman ang reaksyon, masasaktan lang ako.
hindi ko na rin masisi ang paglipat ko kung kelan pa third year na, o ang course ko na hindi pwedeng macredit ang marami kong nakuha sa lb na puro english subjects, o ang filipino department sa hindi pagsama sa RGEP. o kahit si sir jun at si sir dumlao na unang nagtulak sa kin kung bakit gusto kong sumulat at kumuha ng kurso sa pagsulat, kahit pa walang perang malaki dito o muntik na kong itakwil ng mga kamag-anak kong engineering at pagdodoktor o nurse lang ang nirerespetong propesyon.
alam kong pag nagreply ako sa dati kong kaklase, at nagpaliwanag, iisipin nyang hibang ako. o mahina ang na ulo dahil nasa filipino ang kurso ko (matuyo na mag-isip nun)o wala na lang talagang magawa sa buhay. hindi ko naman pwdeng sabihin na kung gaano nila kagustong pumunta sa amerika't mag-alaga ng mga may sakit dun, ganun ko rin kagusto ang ginagawa ko ngayon kahit pa nga kapalit nun ay ito, ang pagiging extended.
Nabigla lang talaga ako. Hindi umubra ang birong "quality education takes time" o "i will graduate on time no matter how long it takes" para sumaya ako sa kalagayan ko.
Pero bakit ko pa kailangan magpaliwanag sa kanya o sa kanila? Malamang sa hindi e makakalimutan rin naman nila, ako at ang paliwanag ko.
Thursday, November 30, 2006
Kasaysayan ng Paglimot kay Caty Bucu
squeezed by hesperidium at Thursday, November 30, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment