Nasa isa tayong police encounter sa loob ng puting bahay kagabi. May babaeng medyo mataba na mukhang lesbiana ang nagtatago sa ikalawang palapag. Mabilis na nanguna ang mga pulis, inakyat ang babae at tinutukan ito ng baril. Pumunta naman ang babae sa isang silid at nagtangkang harangan ang isang cabinet na may dalawang pintuang nakakadena ang mga hawakan. Kundi ba naman siya isang malaking hangal. Syempre di naman din ganun katanga ang mga pulis at nahuli rin siya matapos ang ilang minuto nitong pagpupumiglas. Inalis na sa eksena ang babae.
Binaklas ng isang officer ang kandado't kadena ng cabinet. Hinalungkat niya ang mga gamit sa loob. Binaligtad ang mga t-shirt na puro kulay puti. Nang di makita ang hinahanap, binuksan naman ang mga drawer sa bandang kanan. Hinawi niya ang mga plastik at kurdong nakakakalat sa loob nito. At doon, tumambad ang iyong munting kulay pilak na katawan. Buong-buo ka pa rin, mula screen hanggang ang kakaiba mong kwadradong buton sa ilalim nito. Inabot ka sa akin ng pulis na di ko na rin maalala ang mukha sa ngayon. Sa wakas nagkita na ulit tayo.
Binalot ko sa iyo ang aking mga daliri na para bang wala nang ibang makakahawak sa yo kung hindi ako. Sinabi na nga bat kaya hindi ako lubusang nawalan ng pag-asa sa pagkawala mo. Babalik ka pa. Tiningnan kita nang buong saya at kinurot-kurot ko na rin ang aking pisngi habang nakapikit para masiguradong hindi ako nanaginip. Minulat ko ang aking mga mata. Nasa kamay pa rin kita. Isang laksang sama ng loob at iba pang mabibigat na pakiramdam ang tumakas sa king dibdib. Dumating na rin ang isang mapalad na araw na pinakahihintay ko mula pa noon sunud-sunod na kamalasang inabot ko pagsapit pa lang ng Hunyo.
Bumukas ang pinto ng kuwartong kinalalagyan natin ng mga pulis. Matinding liwanag ang nagpakita sa likod nito.
Wala naman na talagang mga pulis na makakatulong pa sa pagkawala mo. Wala naman na talagang ganoong enkewentrong mangyayari para lamang makuha ka pa. Ang meron lang ay ang umagang sing linaw ng liwanag na lumabas sa pintuan, na gigising sa kin mula sa isang masamang panaginip. Isang katotohanan ang sumalubong sa king pagmulat: hindi na tayo ulit magkikita.
Monday, July 25, 2005
Isang Gabi Sa Loob ng Puting Bahay
squeezed by hesperidium at Monday, July 25, 2005
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Eto ba yung cellphone mo? : ) miss u Ilia
Post a Comment