Nag-inuman kami kina Mauro nung isang araw kasama sina Ronnel, Jebs, Vincent, Ebin, Lurin, Florence at Titet (complete attendance na sana kaya lang ala si Kakai). Napatumba namin ang anim na malalaking bote ng Red Horse. Nung una ayaw ko pa, batang gin at San Mig Light kasi ko. Pero ang sarap pala ng red horse no? Hehe. Lalo na pag malamig. Kaya lang, sabi ng sa commercial, ang lakas ng tama.
Oo, sabi nga ni Punzalan, senglot ako. Hindi naman as in tumba ko pero anaknam*, ang sakit ng ulo ko! Corny na kung corny pero boy, napamahal talaga ko sa barkada ko dahil sa pagtitipon na yun. Matagal-tagal na rin kaming di makumpleto, pero kahit kulang e tinuloy pa rin namin.
Dami kong nalaman. Nakwentuhan kami ng maraming bagay. Hindi naman "truth or consequence" yung dating pero maraming lumabas: yung problema ni Ronnel tungkol sa tunay nyang pagkatao (oo, mala teleserye), hinanakit ko sa sa parte ng UPLB na hindi tanggap ang CommArts, pagtutol nila sa plano kong pagtransfer sa diliman, mga kabulastugan ni Ebin, ang di na makagulapay sa kalasingan na rebelasyon ni Enteng at marami pang iba. Kakaiba talaga ang nagagawa ng ilang lagok ng alak - madalas, boluntaryong hinuhubaran ng maskara ang sarili.
Hindi ko rin masasabi na wala kami sa ulirat nung nag uusap-usap kami - natatandaan naming lahat yun. Nakakatuwa talaga, lalo na kung ilang linggo ka nang binabagoong sa loob ng bahay nyo at nagsisimula ng makabisado ng katawan mo ang pang araw-araw na kain-tulog ng labindalawang oras. Ang hindi ko lang maintindihan nun e kung bakit ako pauli-ulit na nililitanyahan ni Ronnel ng "Caty... wag kang lalapit sa min isang araw at sasabihing may gusto ka na kay Earvin ha..." Si Jebs naman "Oi, Punzalan, wag mo ngang baby-hin yan si Bucu.." Ano?! Hindi kami ang bagong love-team ng barkada, Siguro nga madalas kaming mag usap at close na kami ngayong sembreak - telebabad, sabihan ng sikreto, seryosong usapan atbp. Pero kami magkakagusto sa isa't-isa? Malabo. May kanya-kanya kaming gusto. Kami na lang ang natatawa pag niloloko kami. Ano ba naman yun... Parang kapatid ko na si Ebin, yun dambuhalang yun na isa pa ring todo ang pagkalasing nang gabing yun. Pero nung may nagtanong kung bakit hindi pwedeng magkagusto sa kaibigan, hindi ko rin masagot. Bakit nga ba?
Sa totoo lang, may maganda sanang laman ang post na ito. Para kasing hindi ko na masayadong gusto si __. Alam mo yun, parang nalunod na sa beer at kasama nang naitapon sa mga pinagbalatan ng dingdong at wiggles yung kabaliwan ko sa kanyang pumupuno ng mga araw ko simula nang magsimula ang sembreak. Hindi pa rin ako magsasalita ng tapos. Marami pang araw bago magpasukan, interesado pa rin akong makilala siya. Wala kasi kong masayadong alam bukod sa mahal niya yung kumanta ng "Run". Hay nako, may hang-over pa yata ako.
Hindi ko talaga makakalimutan ang araw na yun, kung kelan umuuwi ako kinabukasan sa bahay nang parang wala pa sa sarili, nagpanggap na inaantok pagdating sa pintuan pero nabuko ng tatay ko paghiga ko sa kama. Amoy beer daw ako. Naisip ko, mga lasenggo nga naman - ang lakas ng pang-amoy. ;)
No comments:
Post a Comment